ROXAS CITY – Inihatid na sa huling hantungan si Army Corporal Frederick Villasis ng 12th Infantry Batallion Philippine Army, ang sundalong brutal na pinatay ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Lahug, Tapaz, Capiz noong nakaraang buwan.
Bumuhos ang emosyon, hindi lamang ng pamilya nil Villasis, kundi maging ng mga kaibigan at kasamahan nito sa militar na labis ang paghihinagpis sa sinapit ng nasabing sundalo.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Captain Eric Faller ng 301st Infantry BrIgade PA, pinasiguro nito ang tulong ng gobyerno sa naiwang pamilya ni Villasis at nangakong mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.
Itinuturing rin nilang bayani si Villasis dahil namatay ito in line of duty.
Napag-alaman na maliban sa malapit na pamilya at kaibigan ni Villasis ay sumama rin sa paghatid sa huling hantungan sa sundalo ang mga residente at barangay officials ng Barangay Lahug, sa bayan ng Tapaz na nilarawan ang biktima na isang mabuting tao at kaibigan.
Patuloy rin ang pagkondena ng grupong Sentrong alyansa ng mga Mamamayan para sa Bayan o SAMBAYANAN sa mga NPA na siyang itinuturong responsable sa pagpatay kay Villasis.