CAGAYAN DE ORO CITY – Negatibo kaugnay sa paggamit ng ilegal na droga o kaya’y naka-inom ng alak ang sundalong nag-amok o nagwawala na nagresulta ng walang habas na pambabaril nito gamit ang kanyang issued assault rifle dahilan na patay ang apat na kasamahan sa Service Support Battalion Compound sa headquarters ng 4ID,Philippine Army na nakabase sa Camp Edilberto Evangelista,Barangay Patag,Cagayan de Oro City.
Ito ang inilabas na resulta ng Board of Inquiry (BOI) na naatasan ng Philippine Army at Philippine National Police upang tukuyin ang nag-uudyok sa napatay rin na suspek na si Army Private Johmar Villabito kung bakit binaril-patay nito ang mga tulog na mga biktima na sina Army Sgt. Rogelio Rojo, Cpl. Bernard Rodrigo, PFC Prince Kevin Balaba at Pvt. Joseph Tamayo.
Sinabi ni 4ID spokesperson Army Maj. Francisco Garello Jr na bigo rin ang BOI na makita na mayroong naka-alitan ang suspek sa mga ka-trabaho nito bago nangyari ang karumaldumal na kremin.
Kaugnay nito,pinasok na rin ng investigators ang personal na buhay lalo pa’t binata pa ang 37 anyos na suspek upang makakuha ng posibleng lead kung bakit niya ginawa ang kremin noong madaling araw ng Sabado.
Magugunitang personal na nakiramay rin si Philippine Army commanding general Lt General Romeo Brawner Jr sa mga naulila na mga pamilya ng mga biktima at nag-abot ng inisyal na financial assistance habang nakaburol ang mga labi nila sa gymnasium ng dibisyon.