-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy sa ngayon ang pagtugis ng militar sa mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos ang nangyaring engkwentro sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao.

Napag-alaman na nagresulta sa pagkamatay ng isang sundalo at pagkasugat ng dalawang iba pa ang pakikipagbakbakan ng mga ito laban sa mga miembro ng BIFF sa Barangay Tukanalipao ng nasabing bayan.

Kinilala ang nasawing sundalo na si Sgt. Randy Alivar habang ang mga sugatan naman ay kinilalang sina Pfc. Ruel Sumilhig at Pfc. Allan James Cabildo.

Kaugnay nito, inihayag ni Western Mindanao Command spokesperson, Maj. Arvin Encinas na habang nagpapatrolya ang mga sundalo sa Barangay Tukanalipao, maka-engkwentro ng mga ito ang di pa matukoy na bilang ng mga armadong miembro umano ng BIFF Bungos Faction.

Ayon kay Encinas, dalawang mga miyembro din ng BIFF ang nasawi sa engkwentro noong Sabado, Nobyembre 9.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng clearing operations ang militar para tuluyang maitaboy ang BIFF sa lugar.

Nabatid na nasa 450 pamilya o 2,700 indibidwal ang nagsilikas dahil sa takot na maipit sa nasabing sagupaan.