-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isang sundalo ang patay at dalawa ang nasugatan sa panibagong pagsabog sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Private Rodjin Macanas habang sugatan sina Cpl. Ebrahim Kudtig at PFC Dominic Agustin,mga tauhan ng 57th Infantry (Masikap) Battalion Philippine Army.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy na habang nagsasagawa ng combat clearing operation ang tropa ng 57th IB sa Brgy Salman Ampatuan Maguindanao ng biglang sumabog ang isang anti-pesonnel mine (APM) sa gilid ng kalsada hindi kalayuan sa massacre site.

Tatlong mga sundalo ang nasugatan sa pagsabog na agad dinala sa Camp Siongco Hospital ngunit binawian ng buhay si Macanas.

Ang mga tauhan ng 57th IB ay tumutulong sa pagtugis ng grupo ni Kumander Salahudin Hassan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Matatandaan na isang tauhan ng Navys 5th Company ng Marine Battalion Landing Team (MBLT-5) ang nasawi at apat ang nasugatan sa unang pagsabog sa Brgy Limpongo Datu Hoffer Ampatuan Maguindanao.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa Maguindanao dahil sa sunod-sunod na pambobomba ng mga terorista na ka-alyado umano ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS.