CAUAYAN CITY – Isang sundalo ang namatay habang isang kasapi ng CAFGU ang nasugatan sa naganap na pananambang ng mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) sa mga sundalong magsasagawa sana ng community support activity sa San Sebastian, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Army Major Noriel Tayaban, Division Public Affairs Office Chief ng 5th Infantry Division na ang mga sundalo ay magtutungo sana sa barangay Namnama, Jones, Isabela upang magsagawa ng community support activity pangunahin na ang paggawa ng drying pavement.
Ang anim na sundalong kasapi ng 86th Infantry Batallion at isang kasapi ng CAFGU ay sakay lamang ng kani-kanilang motorsiklo patungo sa barangay Namnama, Jones ngunit tinambangan sila ng hindi pa matukoy na bilang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa San Sebastian, Jones, Isabela.
Sinabi pa ni Major Tayaban na walang dalang baril ang mga sundalo nang sila ay tambangan dahil tutulong lamang sila sana sa paggawa ng drying pavement sa Namnama, Jones.
Matapos tambangan ang mga sundalo ay nagtakbuhan sila sa iba’t ibang direksiyon ngunit isa sa kanila ang nasawi habang nasugatan ang kasama nilang isang kasapi ng CAFGU.