DAVAO CITY – Patuloy ang ginawagang hot pursuit operation ng mga tropa ng 25th Infantry Battalion sa ilalim ng 1001st Infantry Brigade laban sa New People’s Army (NPA) na kanilang naka-engkuwentro sa Brgy. El Salvador, New Corella Asuncion, Davao del Norte.
Nabatid na nasa 30 mga armadong lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng Guerilla Front 33 sa ilalim ni Christian Pastor alyas Khan ang nakasagupa ng militar sa loob ng dalawang oras bago tumakas ang mga ito.
Narekober sa encounter site ang isang M14 rifle at ang hindi pumutok na improvised explosive device (IED).
Sa nasabing engkuwentro, isang sundalo ang namatay at isa ang nagtamo ng matinding injury.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang militar na nasasangkot ang mga nasabing mga rebelde sa extortion o tinatawag na revolutionary tax at pangongolekta ng permit to campaign at permit to win.
Ilan sa mga hideouts naman ng mga terorista sa nasabing lugar ang nadiskubre ng mga militar.
Dahil sa nasabing insidente, nasa 100 pamilya naman ang lumikas dahil sa takot na madamay.