CAUAYAN CITY – Patay ang isang sundalo habang dalawa ang nasugatan sa banggaan ng dalawang sasakyan kaninang alas-4:00 ng madaling araw sa national highway sa Upi, Gamu, Isabela.
Ang nasawi ay kinilalang si Army S/Sgt Magno Tagitag, 37, residente ng lalawigan ng Kalinga ngunit pansamantalang nakatira sa CMFD, Upi, Gamu, Isabela habang nasugatan ang kasamang sundalo na si Romel Gamboa, 28, residente ng Putik, Zamboanga City.
Ang driver ng Isuzu aluminum wing van truck na nakabanggaan ng Hi-Ace van na sinasakyan ng dalawng sundalo ay si Antonio Peru, 33, residente ng Guibel, San Jacinto, Pangasinan.
Lumabas sa imbestigasyon ng Gamu Police Station na patungong direksiyon ng Naguilian, Isabela ang van na minamaneho ni Taguitag nang makabanggaan ang wing van truck.
Nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima kabilang na ang tsuper ng wing van na agad na dinala sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital ng mga kasapi ng Rescue DART 831 ngunit idineklarang dead on arrival si Tagitag.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Gamu Police Station sa naganap na banggaan ng dalawang sasakyan.