-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang kawal ng gobyerno nang aksidente nitong mabaril ang sarili sa lalawigan ng Maguindanao Del Norte.

Nakilala ang biktima na si Private First Class (PFC) Mark Anthony Pagarigan na kasapi ng 1st Explosive and Ordnance Platoon ng 1st Brigade Combat Team Philippine Army.

Ayon kay Sultan Kudarat Chief of Police Lieutenant Colonel Julhamin Asdani na nililinis ni Pfc Pagarigan ang kanyang baril na kalibre.45 na pistola sa kanilang kampo sa Barangay Pigcalagan Sultan Kudarat Maguindanao Del Norte.

Bigla na lamang nakarinig ng putok ng baril ang mga kasamahan ni Pagarigan.

Nang kanilang usisahin nakita nila ang duguang katawan ng sundalo na may tama ng bala sa ulo.

Agad dinala ng kanyang mga kasamahan si Pagarigan sa Mount of Blessings Hospital sa Pigcawayan Cotabato ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat PNP at Ist BCT sa naturang pangyayari.