CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang sundalo sa pamamaril ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) liquidation squad sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si PFC Jerome Tahad na nakatalaga sa 33rd Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, habang sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo sa bayan ng Rajah Buayan, Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Agad namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Rajah Buayan.
Patay on the spot ang sundalo nang magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo at likod.
Bago pinatay si Tahad ay galing ito sa kanyang trabaho at nakatalaga sa COVID-19 checkpoint bilang frontliner.
Sa ngayon patuloy na tinutugis ng militar at pulisya ang mga namaril sa biktima.