CENTRAL MINDANAO-Pinagbabaril ng Liquidation Squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang isang sundalo sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Cpl.Rosendo Jaoud Oplino 32 anyos na nakatalaga sa 37th Infantry Battalion Philippine Army at residente ng Alamada North Cotabato.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Donald Madamba na lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo mula sa bayan ng Alamada patungo sa 6th ID Headquarters ngunit pagsapit nito sa Brgy Gang Sultan Kudarat Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem assassin at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit makalipas ang ilang oras ay binawian rin ito ng buhay nang magtamo ng tama ng bala sa likod na tumagos sa kanyang dibdib.
Matatandaan na maraming mga sundalo na ang nasawi at nasugatan sa pag-atake ng Liquidation Squad ng BIFF sa Maguindanao.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Maguindanao PNP sa naturang pangyayari.