KORONADAL CITY – Ikinalungkot ng mga kasapi ng Joint Task Force Central at 6th ID Philippine Army ang pagkakasawi ng isa sa kanilang mistah sa nangyaring panibagong sagupaan sa lalawigan ng Maguindanao.
Kaugnay ito sa nagpapatuloy na combat operations ng militar laban sa Dawlah Islamiya terror group.
Batay sa impormasyon, kinilala ang nasawing sundalo na si Sgt. Donald Devalid ng 1st Mechanized Infantry Battalion matapos ang engkwentro sa terror group sa bahagi ng Barangay Kitango sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
Nakarekober naman ang 1st Mechanized Infantry Battalion matapos ang sagupaan ng mga malalakas na uri ng improvised explosive device at booby traps sa mga kampo sang Dawla Islamiya.
Samantala, binisita kamakailan ni 6th ID Commander Major General Diosdado Carreon ang burol ni Sgt Rex B Sadava ng 57th Infantry (Masikap) Battalion sa Tacurong City na nasawi dahil sa pagsabog ng IED.
Sa kabila nito, tiniyak ng Philippine Army na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga terror groups upang matiyak ang kapayapaan sa rehiyon.