-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang pursuit operations ng militar laban sa mga nakasagupa ng mga itong pinaniniwalaang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army sa ilalim ng Komiteng Larangang Gerilya North Abra sa bisinidad ng Barangay Pacqued, Malibcong, Abra.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Major Rogelio Dumbrique Jr., Civil Military Operations Officer ng 7th Infantry Division, Philippine Army na nagresulta ang engkwentro sa pagkasawi ng isang sundalo mula Iloilo City.

Aniya, nakatanggap ang mga sundalo ng serye ng impormasyon mula sa mga concerned citizens ng Barangay Pacqued ukol sa armadong grupo na regular na nagtutungo sa kanilang barangay para mag-recruit at magsagawa ng pangingikil.

Dahil dito, nagresponde ang 24th Infantry Battalion at 72nd Division Reconnaissance Company ng security patrol sa kabundukan ng nasabing barangay para iberipika ang mga report.

Gayunman, dito na nila naka-engkwentro ang higit kumulang 15 miyembro ng NPA kung saan tumagal ang engkwentro ng aabot sa isa at kalahating oras.

Pinasalamatan naman ng militar ang pagbibigay impormasyon ng mga mamamayan ng Abra ukol sa iligal na aktibidad ng mga rebelde sa kanilang lugar na nagpapakita anila na hindi sang-ayon ang mga Abreños sa presensia ng mga komunistang rebelde sa kanilang lalawigan.