LAOAG CITY – Sasampahan ng kaso ang isang sundalo matapos niyang barilin na dahilan ng pagkamatay ng bayaw nito sa Sitio Suyo, Barangay Baruyen sa bayan ng Bangui.
Nakilala ito na si Sergeant Norman Campanano, nakadestino sa Head Quarters 202 Brigade 2nd Infantry Division Cavinte Laguna Philippine Army.
Sa inisyal na impormasyon mula kay Police Major Julius Basalio, hepe ng Bangui PNP, sa hindi pa malamang dahilan ay pumasok umano ang biktima na si Ediemar Autriz, 39-anyos sa bahay ng suspek habang wala ito at dito tumakbo ang asawa ng sundalo at nagpatulong sa kanyang biyenang babae.
Matapos ito, habang pauwi umano si Autriz ay nagkita sila ng suspek sa daan at posible umanong nagkainitan ang mga ito dahilan para pinagbabaril ng sundalo ang biktima ng tatlong beses partikular sa dibdib at ulo nito gamit ang kalibre 45 na baril.
Agad namang naitakbo sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor habang ang suspek ay agad namang sumuko bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Sa ngayon ay hindi pa madetermina ng mga otoridad kung service firearm ng sundalo ang kanyang ginamit sa pagpatay sa biktima.