-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army ang pumaslang sa isang kasapi ng Philippine Army sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Corporal Crisanto Gantalao, imbestigador ng Guihulngan City Police Station, sakay sa motorsiklo ang biktimang si Corporal Mark Anthony Quiocson, 31-anyos at tubong Guimbal, Iloilo nang binaril ng mga suspek.

Galing sa kanilang bahay sa Himamaylan City, Negros Occidental ang biktima nang binaril ng apat na mga suspek sa Sitio Compound, Barangay Luz, Guihulngan City.

Dahil sa tama sa kanyang ulo at ibang bahagi ng katawan, kaagad na binawian ng buhay ang sundalo na kasapi ng 62nd Infantry Battalion.

Bago ang krimen, inamin umano ni Quiocson na pinag-iinitan siya ng NPA dahil nakasama ito sa tropa ng pamahalaan na nakasagupa sa komunistang grupo sa Himamaylan City noong buwan ng Enero.

Nabatid na sa Himamaylan na nakatira ang sundalo dahil dito ito nakapag-asawa.

Tinitingnan naman ng militar na NPA ang pumaslang sa sundalo dahil dalawang linggo na ang nakaraan, isang dating CAFGU member din ang pinaslang ng grupo sa Guihulngan City.