CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang sundalo sa pamamaril sa probinsya ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Private First Class (PFC) Ellemar Bayquin, nakatalaga sa 7th Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial director, Police Colonel Ronald Briones, lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo mula sa tahanan nito pabalik na ng kanilang kampo sa Kabacan, North Cotabato, ngunit pagsapit sa Barangay Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga namaril patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Sultan Kudarat.
Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo at likod.
Inamin naman ni Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) Spokesman Abu Misry Mama na mga myembro ng liquidation squad ng kanilang grupo ang namaril sa sundalo.
Sa ngayon ay pinag-iingat ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief, Major General Cirilito Sobejana ang mga sundalo sa lugar nila sa Central Mindanao.