LEGAZPI CITY – Inihahanda na ang kaukulang kasong kriminal na isasampa laban sa isang sundalo sa bayan ng Daraga, Albay matapos na mamaril sa bahagi ng Barangay Villahermosa.
Nag-ugat umano ang insidente sa inis na nauwi sa pamamaril ng sundalong kinilalang si TSgt. Rey Valenzuela, 45-anyos na nakatalaga sa Service Support Batallion ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa naturang lugar.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Albay Police Provincial Office, nabatid na nag-iinuman ang biktimang si Joshua Macalinao, 25, residente ng naturang lugar at katrabaho nito sa bunkhouse nang dumating ang suspek dakong alas-10:30 ng Biyernes ng gabi upang bumili ng sigarilyo sa kalapit na tindahan.
Dahil nakainom na at aminadong nasa impluwensya ng alak may ilang aktuwasyon umano ang biktima na hindi ikanatuwa ng sundalo.
Kumuha pa umano ito ng bote ng beer at ipinukpok sa ilong ng biktima.
Binunot rin aniya ni Valenzuela ang dalang baril at sunod-sunod na ipinutok sa lupa kung saan tumama sa kanang paa ng biktima ang pangatlong putok.
Mabilis namang naitakbo sa pagamutan si Macalinao habang agad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa commanding officer ni Valenzuela.
Samantala, mag-aala-1:00 ng Sabado ng madaling araw nang kusang sumuko ang suspek dala ang ginamit na caliber 9mm Glock 17 Gen 4 pistol na inisyu ng Armed Forces of the Philippines.
Nananatili na rin ito sa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon habang patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.