BACOLOD CITY – Kulong ang isang sundalo sa Negros Occidental makaraang mabaril nito ang isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa Moises Padilla.
Nangyari ang insidente sa loob mismo ng detachment ng 12th Infantry Battalion Montilla Patrol Base Delta Company sa Purok Kasoy, Barangay Montilla sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay P/Cpt. Harold Rendora, hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station, inihayag nitong umiinom ang biktima na si Marty Villarma at ang suspek na si S/Sgt. Adones Villanueva.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis na habang umiinom ang dalawa, biglang nag-away ang mga ito at nauwi sa komosyon.
Doon na nabaril ni Villanueva si Villarma sa leeg gamit ang issued service firearm na gloc 17.
Ngunit ayon sa suspek, accidental firing lamang ang nangyari dahilan ng kanyang agad na pagsuko sa mga pulis.
Gayunman, inaalam pa ng pulisya kung may dating alitan ang CAFGU member at ang sundalo.
Nasa kustodiya na ng Moises Padilla Municipal Police Station si Villanueva at nahaharap sa kasong frustrated murder.