-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Kabilang ang isang sundalo sa tatlong mga suspek na sinampahan ng kasong murder kaugnay sa pagpaslang sa isang incumbent barangay kagawad sa Sagay City, Negros Occidental nitong Huwebes, Nobyembre 12.

Si Barangay Kagawad Mario Negro, 36-anyos ay sakay sa tricycle nang binaril ng mga suspek na sakay sa motorsiklo sa Purok Mabinuligon, Barangay Lopez Jaena, Sagay City.

Ayon sa mga saksi, nag-overtake ang mga suspek sa tricycle at binaril ng ilang beses ang barangay official.

Sa isinawagang pursuit operations ng Sagay City Police Station, nahuli ang dating CAFGU na si Marcial Maquimot.

Sa pamamagitan ni Maquimot, nakakuha ng karagdagdang impormasyon ang mga otoridad na ang bumaril umano sa kagawad ay sina Army Corporal Rico Fuertes, Special CAFGU member Rex Muchuela, at Ellenel Boy Marquez kaya’t nahuli ang mga ito.

Kahapon, isinampa ng mga pulis ang kasong murder laban sa tatlo samantalang pinalaya naman si Maquimot dahil sa kakulang ng ebidensya na may kaugnayan ito sa krimen.

Lumalabas na may matagal nang alitan sina Marquez at barangay kagawad kaya’t pinlano nito ang pagpatay sa opisyal.

Ayon kay Police Major Albert Sy, hepe ng Sagay City Police Station, ang sundalo ang bumaril sa kagawad dahil nagpositibo ito sa parafiin test.

Si Fuertes ay assistant detachment commander sa bayan ng Moises Padilla.