-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Isang sundalo ang sugatan habang dumami pa ang numero ng mga evacuees kasunod ng sagupaan ng militar at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Moises Padilla, Negros Occidental na nagsimula ng Lunes ng umaga na tumagal hanggang hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 62nd Infantry Battalion commander Lt. Col. Egberto Dacoscos, sinabi nitong hindi bababa sa 20 NPA members ang nakasagupa ng mga sundalo sa Barangay Quintin Remo.

Inaalam din kung ang kanilang nakasagupaan ay ang mga suspek na pumatay kay Coun. Jolomar Hilario noong Linggo ng umaga.

Nabatid na mula sa bahay ng konsehal sa Barangay Inolingan, tumakas ang mga suspek papuntang Barangay Quintin Remo dahil sakay ang mga ito sa tatlong truck.

Ayon kay Dacoscos, nasugatan sa kanang balikat ang sundalo na hindi na nito pinangalanan.

Sa ngayon, patuloy pa ang paglikas ng mga residente mula sa tatlong sitio sa Barangay Quintin Remo upang hindi maipit sa bakbakan.

Sa pinakahuling tala ni Punong Barangay Feliza Villaflor, mahigit 1, 000 residente na ang lumikas sa covered court ng barangay.

Kaagad namang nagbigay ng tulong ang mga barangay officials at ang lokal na pamahalaan ng Moises Padilla.