-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Naisugod sa pagamutan ang isang sundalo nang masabugan ng bomba sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Corporal (CPL) Alexander Flauta na nakatalaga sa 90th Infantry Battalion Philippine Army.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army na habang nagpapatrolya ang tropa ng 90th IB sa Brgy Dasawao Shariff Saydona Mustapha Maguindanao nang masagi ni Cpl Flauta ang isang booby trap at sumabog.

Nagtamo ng maraming tama si Flauta sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan at dinala ng kanyang mga kasamahan sa isang pagamutan sa Midsayap North Cotabato ngunit agad inilipat sa Camp Siongco Hospital.

Grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinuro ng militar na naglagay ng booby trap sa dati nilang kuta na nagkubkob ng MILF Task Force Itihad.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng Joint Task Force Central ang pagtugis sa tatlong paksyon ng BIFF sa Maguindanao.