CENTRAL MINDANAO – Kritikal ang kondisyon ng isang sundalo sa pananambang ng mga armadong grupo sa probinsya ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Master Sergeant Rowel Disaka ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 33rd IB sa isang liblib na lugar sa Rajah Buayan Maguindanao ay bigla itong pinaulanan ng mga bala ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Agad gumanti ng putok ang mga sundalo sa pinaniniwalaang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Tumagal ng 20 minuto ang palitan ng bala sa magkabilang panig at agad namang umatras ang mga rebelde.
Wala namang napaulat na iba pang sugatan sa insidente bukod kay Disaka na nagtamo ng tama ng bala sa tiyan at kanang hita habang hindi matiyak sa BIFF.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng 33rd IB laban sa BIFF sa bayan ng Rajah Buayan.