-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patay ang isang sundalo mula sa 3rd Infantry Battalion (Philippine Army) matapos maka-enkwentro ang ilang hinihinalang miyembro ng rebeldeng New People’s Army nitong Setyembre 26, 2022 sa Brgy. Luisita, Victoria, Northern Samar.

Kinilala ito na si Corporal Loreto C. Cachola Jr, tubong Nagbukel, Ilocos Sur na nasawi matapos tamaan ng bala sa leeg bunga ng biglaang atake ng mga rebeldeng grupo habang nagpapatrolya ang nasabing tropa ng Philippine Army sa naturang lugar.

Ayon pa sa ulat mula sa Commanding Officer ng 3IB, bahagi si Corporal Cachola ng Mobile Community Support Sustainment Team na tumugon sa hiling ng mamamayan na magbantay sa seguridad sa naturang barangay dahil sa mga napaulat na extortion activities ng nasabing grupo.

Naniniwala naman ang militar na ang grupo ni Alyas Normie ang nasa likod ng pag-atake dahil ang grupo lamang umano nito ang napaulat na madalas masubaybayan na nangingikil ng pera at pagkain mula sa mga tao sa nasabing lugar.

Nagpaabot naman ng mensahe ng pakikiramay at pagkiki-dalamhati ang 8th Infantry (Stormtroopers) Division sa mga naulila nito at nagdagdag narin ng tropa upang tugisin ang rebeldeng grupo responsable sa naturang pamamaslang.