LAOAG CITY – Sasampahan ng patung-patong na kaso ang isang sundalo matapos sumugod sa Highway Police Assistance Desk (Hi-Pad) sa Brgy. 2 Anao, Piddig, Ilocos Norte habang lasing na lasing pasado alas-7:00 kagabi.
Kinilala ni PCpt. Kristoffer King Ramos, chief of police sa bayan ng Piddig, ang suspek na si Jaylord Plaza, 20, residente sa Brgy Gayamat, Piddig pero naka-assign sa FSRR, Camp Tecson, San Miguel, Bulacan.
Napag-alaman nina Ramos na nagbakasyon ang sundalo sa kanilang lugar at babalik sana siya sa kanyang destino noong Marso 21 pero dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay hindi muna siya tumuloy at hinihintay ang order mula sa mga opisyal nila.
Sinabi ni Ramos na ayon sa dalawang pulis na nakaduty sa Hi-PAD na sina Patrolman Richard Ramirez at Patrolman Lucky Ver Manding, bigla na lamang sumugod ang suspek sa puwesto nila sabay panunuya at pagmumura sa mga ito.
Dahil dito, agad inaresto ng mga pulis ang suspek at sasampahan nila ito ng Direct Assault Upon Agent of Person in Authority at paglabag sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil pagala-gala ito na lasing kagabi at wala pang suot na mask.
Sa ngayon, nanatili si Plaza sa kustodya ng PNP sa bayan ng Piddig.