CAUAYAN CITY – Kumpirmadong nadamay ang sundalong isa sa mga nakaligtas sa Marawi siege sa naganap na sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at New People’s Army (NPA) sa Barangay Villa Rey, Echague, Isabela, kahapon.
Ang nasawing si Corporal Adonis Valera, kasapi ng 86th Infantry Battalion ay scout ranger, isa sa mga survivor ng Marawi siege at residente ng Pinukpuk sa Kalinga.
Isa rin si Corporal Valera sa mga ginawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ikatlo sa pinakamataas na medalya sa miltar dahil sa pakikipaglaban nito sa Marawi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban, Chief Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, sinabi niya na labis muli ang kalungkutan ng mga sundalo dahil sa pagkakalagas ng isa sa kanilang kasama.
Samantala, ang mga nasugatan ay sina Corporal Harold Ganagan, residente ng Kalinga, at Fajaro Manuel, residente ng Paracelis, Mt. Province at nakatalaga sa 86th Infantry Battalion.
Ang mga nasugatang sundalo ay nagpapagaling pa rin sa isang pribadong pagamutan sa Lunsod ng Santiago.
Ayon pa kay Major Tayaban, tinatayang 30 kasapi ng teroristang grupo ang nakasagupa ng militar sa Barangay Villa Rey.
Una rito ay nakatanggap sila ng ulat kaugnay sa extortion activities na isinasagawa ng NPA sa Barangay San Carlos at Madadamian Echague, Isabela, sanhi upang maglunsad sila ng Focus Military Operation sa lugar.
Kahapon bago sumpit ang alas-6:00 ng gabi nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng dalawang pangkat at habang mina-maneuver ni Corporal Valera ang direksiyon ng mga rebelde ay doon na siya nabaril.