LAOAG CITY – Tagumpay na nahuli ng mga otoridad ang isang miembro ng Philippine Army dahil sa paglabag ng Article 248 ng Revised Penal Code o murder sa bayan ng Bangui.
Kinilala ni Police Lt. Christopher Pola, chief of police ng PNP-Bangui ang inaresto na si Sgt. Norman Marquez Campañano, nakabase sa Headquarters and Headquarters Support Company 2nd Infantry Division, Philippine Army ng Gen. Mateo Capinpin, Tanay, Rizal.
Nahuli ito sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Felix Salvador, dating presiding Judge ng RTC Branch 19 sa Bangui at may petsang Setyembre 27, 2021.
Ayon kay Pola, kasama nila sa operasyon ang mga miyembro ng RMFB1, Intelligence Unit ng INPPO, CIDG at Highway Patrol Team sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal para pormal na maisilbi ang warrant of arrest kontra kay Campañano.
Sinabi nito na matapos maipaliwanag sa mga opisyal ng Camp Capinpin ang kaso ni Campañano ay agad na nai-turn over ang sundalo.
Nalaman na nag-ugat ang kaso ni Campañano matapos pagbabarilin nito ang kanyang bayaw na si Ediemar Autriz, 39, at residente ng Barangay Baruyen, Bangui.
Lumalabas na si Campañano at Autriz ay nagkaroon ng problema bago binaril ng soldado ang biktima at ang sanhi ng kanilang away ay sa umano’y selos.
Samantala, sinabi ni Pola na may ipinasang counter affidavit ang kampo ni Campañano ngunit nalaman ng korte na may probable cause ito sa kasong murder.