KORONADAL CITY – Ipapatupad na ang “Sunday as No Movement Day” sa lungsod ng Koronadal kasabay ng pag-elevate ng lockdown sa lungsod mula General Community Quarantine sa Enhanced Community Quarantine hanggang Abril 30, 2020.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Eliordo Ogena, ito ang ayon sa Executive Order No. 40 nito na naglalayong mabawasan ang “movement” ng mga tao sa buong lungsod.
Ayon kay Ogena, magiging epektibo na rin simula bukas ang clustering ng 27 barangay sa tatlo na lamang at ang pagbibigay ng color coding na mass movement pass.
Ang bawat cluster ay papayagan lamang na makalabas sa kanilang barangay dalawang araw sa isang linggo maliban sa mga frontliners at nagtatrabaho sa mga food essential entities.
Ang nasabing hakbang ay ipinatupad ng LGU-Koronadal upang maipatupad ng maayos ang social/physical distancing matapos magbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang sinumang alkalde na hindi magpapatupad nito.
Sa ngayon, nananatiling isa ang positibong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan nasa maayos na kondisyon na ito sa ngayon.
Matatandaan na una na ring ipinag-utos ng alkalde ang citizen’s arrest matapos na marami pa rin ang mga matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa guidelines na ipinapatupad kaugnay ng lockdown.