-- Advertisements --
mock elections

Aprubado na raw ng Inter Agency Task Force (IATF) ang pagsasagawa ng nationwide mock elections sa Disyembre 29 bilang paghahanda sa May 9, 2022 elections.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ang pagsasagawa ng national mock polls ay para siguruhin ang kaligtasan at epektibong pagpapatupad ng halalan sa susunod na taon.

Una nang nagsagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng voting simulation sa San Juan City noong October 23 ngayong taon.

Noong nakaraang linggo, ipinanukala ni dating Comelec commissioner Luie Guia na ang ratio ng mga botante kada clustered precinct sa halalan ay gawin lamang 500 hanggang 600 kada presinto dahil na rin sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pero sinabi naman ni Comelec spokesperson James Jimenez noong Sabado na safe pa rin ang pag-accomodate sa 800 voters kada clustered precinct.

Kung maalala, bago ang pandemic ay 1,000 ang mga botante sa kada presinto.

Ipinanukala rin ni Ona Caritos mula sa election watchdog na Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na mag-reschedule ang Comelec ng mock polls para sa mas mataas na turnout at mas magandang assessment kung paano isasagawa ng maayos ang May 2022 polls sa gitna ng pandemic.