-- Advertisements --

Naniniwala ang isang political analyst na dapat ay kadikit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa simula pa lamang ang magiging Speaker ng Kamara sa 18th Congress.

Pahayag ito ng political analyst na si Mon Casiple matapos na lumabas ang kontrobersyal na larawan mula sa Japan kung saan kasama ni Pangulong Duterte ang tatlong nagnanais na maging susunod na Speaker ng Kamara.

Ito ay sina Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, at Leyte Representative-elect Martin Romualdez.

Ayon kay Casiple, bagama’t tahimik ang Malacanang sa usapin hinggil sa pagpili ng House Speaker at Senate president ay posibleng mas pipiliin ni Pangulong Duterte ang mas pinagkakatiwalaan na niya noon pa man.

Aniya, “crucial” ang nalalabing tatlong termino ng Punong Ehekutibo kaya mas pipiliin nito ang kilala na niya ng lubusan at alam niyang magsusulong ng kanyang legislative agenda.

Kung titingnan, ito raw ang magiging disadvantage kung bagito o baguhan lamang ang magiging susunod na lider ng Kamara dahil wala pa itong working relationship sa Punong Ehekutibo.

Pero plus factor naman din aniya kung kaalyado at supporter ng Pangulo ang isang kandidato sa simula pa lamang dahil mayroon naman itong sapat na tiwala kompara sa mga lumipat lamang daw ng bakuran.