ILOILO CITY – Hindi isinasantabi ng Panay Electric Company (PECO) na pananabotahe ang nangyaring sunod-sunod na blackout noong Oktubre 29 hanggang 30.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Marcelo Cacho, pinuno ng Public Engagement and Government Affairs ng Panay Electric Company, sinabi nito na ang nangyaring two-day power outage sa Iloilo at iba pang lugar sa Panay ay pangyayari na hindi na saklaw ng kompanya.
Ayon kay Cacho, ang Panay Electric Company ay isang power distributor at hindi power generator.
Inihayag ni Cacho na ang electric supply ng Panay Electric Company ay galing sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Hindi na pinangalanan ni Cacho kung sino ang tinutukoy nito hinggil sa umano’y pananabotahe noong nakaraang linggo.
Napag-alaman na mahigit 12 oras na nakaranas ng power outage ang Iloilo at iba pang mga lugar sa Panay matapos nag shut down ang dalawang coal-fired power plant ng Global Business Power Corporation at ng Palm Concepcion Power Corporation.