MAGUINDANAO DEL NORTE – Kinumpirma bilang election related incident o isang karahasan na may kinalaman sa halalan ng mismong Police Regional Office of the Bangsamoro Autonomous Region ang naganap na panununog sa limang silid paaralan sa Ruminimbang Elementary School sa bayan ng Barira at dalawa naman sa Dalican Pilot Elementary Schiol sa Datu Odin Sinsuat, lahat ay sa Maguindanao Norte.
Sa panayam kay PRO BAR Regional Director PBGEN Allan Nobleza, ito ay maituturing na election related incident dahil posibleng sinadya ang panununog sa mga silid aralan dahil sa nakitang mga galon ng gasolina na ginamit upang sunugin ang lugar.
Mayroon na din silang tinutunton na persons of interest na maaring sumunog sa mga silid paaralan ayon sa heneral ngunit tumanggi silang pangalanan ito dahil nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ang mga nasunog na paaralan ay gagamitin sana bilang presinto ng mga boboto bukas sa halalang pambarangay at sangguniang Kabataan, araw ng lunes Oktubre 30.