-- Advertisements --

Itinaas sa ikatlong alarma ang naranasang sunog, nitong Linggo, Pebrero 16, sa Barangay Pag-asa, Quezon City ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Hindi pa sa ngayon tiyak kung ilan ang bilang ng mga residente ng Barangay ang nawalan ng tahanan matapos maganap ang isang sunog sa harap mismo ng tanggapan ng BFP.

Alas 2 p.m. nang mabilis na kumalat ang sunog sa isang residential unit kahit pa umuulan.

Ang mga residente ay pinilit na nag-evacuate at ang ilan sa mga residente ay tumulong sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga timba ng tubig upang patayin ang apoy.

Apektado naman ang bahagi ng North Avenue kung saan pansamantalang isinara ang daan para magsilbing daanan nang mga bumbero.

Samantala ipinahayag ng mga awtoridad na na-apula ang apoy matapos ang isang oras. Wala pang naitalang sugatan o nasawi sa mga oras na ito.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng BFP at ang mga lokal na opisyal upang matulungan ang mga pamilyang nawalan ng tahanan dulot ng sunog.