KALIBO, Aklan – Tinatayang aabot sa P70,000 ang iniwang pinsala ng nangyaring sunog sa Sitio Bantud, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo kay FO3 John Henry Ildesa, imbestigador ng Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay, ipinahayag nito na pasado alas-12:05 ng tanghali nang makatanggap sila ng report na may nangyayaring sunog sa naturang lugar.
Kaagad umano silang rumesponde kung saan halos 250 meters lamang ang distansiya nito mula sa kanilang istasyon ngunit malaki na ang apoy ng dumating sila dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay.
Maliban sa BFP-Boracay, tumulong sa pag-apula ng sunog ang iba pang mga force multipliers, volunteer groups at mga residente na nagsagawa ng bucket brigade.
Samantala, lumalabas sa imbestigasyon ng BFP-Boracay na nagmula ang apoy sa bahay ni Angeline Roda, 39-anyos kung saan napag-alaman na mga menor de edad lamang ang naroon ng mangyari ang sunog.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Ildesa na hindi kuryente o mga napabayaang appliances ang pinagmulan ng apoy dahil buong araw na walang kuryente sa isla nga mangyari ang sunog.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng BFP-Boracay sa insidente.