-- Advertisements --

Umabot sa ikatlong alarma ang naganap na sunog sa isang bodega sa Malaya Street, Purok 7, Barangay Malanday, Marikina City ngayong araw.

Batay sa impormasyon na ibinahagi ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog pasado alas 11: 32 ng umaga habang idineklara naman ang 1st alarm bandang alas 11:24 ng umaga.

Ayon sa BFP, naging mabilis ang pagkalat ng apoy at pagsapit ng alas 11: 32 ng umaga ay kaagad itong itinaas sa ikalawang alarma habang iniakyat sa ikatlong alarma pagsapit ng alas 11:52 ng umaga.

Sa datos ng BFP, pumalo sa sampung firetrucks ang nagtulong tulong para maapula ang sunog.

Ito ay nagmula sa lungsod ng Marikina, Pasig City at maging sa lungsod ng Quezon.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang dahilan ng sunog habang inaalam pa ang kabuuang halaga ng pinsala nito.

Wala namang naitalang nasawi o nasaktan matapos ang insidente.