-- Advertisements --
boracay fire
Boracay fire from the twitter post of Dexter ivy Lux (@Ivy90108250)

(Update) KALIBO, Aklan – Binulabog ng sunog ang mga turista at residente sa isla ng Boracay lalo na sa bahagi ng Station 3 nang sumiklab ang sunog sa Sitio Ambolong, Barangay Manoc-Manoc.

Nagsimula ang panibagong sunog pasado alas-8:00 kaninang umaga na umabot sa ikatlong alarma.

Bagama’t kontrolado na ito hindi pa rin tuluyang naaapula ang apoy (habang sinusulat ang balitang ito).

Inaalam pa ng mga bombero ang sanhi at pinagmulan ng sunog, gayundin ang bilang ng mga kabahayang nasunog.

Halos lahat umano ng firemen mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Boracay Fire Substation, Boracay Tubi System Inc. at mga miyembro ng Boracay Fire Rescue and Ambulance Volunteers, ay tumulong na rin sa pag-apula ng apoy.

Nahirapan umano ang mga ito na makarating sa lugar dahil sa matarik at makipot na daan.

Naging mabilis din ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas na hangin at dikit-dikit pa ang mga kabahayan.

Nabatid na noon lamang Oktubre 11, nasa 25 mga bahay din ang nasunog sa Sitio Pinaungon, Barangay Balabag sa Boracay, na nakapagtala ng nasa P300,000 na danyos at isa ang sugatan.