Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Phoenix Suns at nalalapit nang maibulsa ang kanilang kauna-unahang NBA crown sa kasaysayan ng kanilang prangkisa matapos na masungkit ang ikalawang panalo sa Game 2 ng best-of-seven series kanina, 118-108.
Dinomina ng husto ng Milwauke Bucks superstar na si Giannis Antetokounmpo ang laro pero may sagot lahat dito ang dalawang Phoenix All-Stars na sina Devin Booker at veteran guard na si Chris Paul.
Bagamat may double-double figure si Giannis na 42 big points at 12 rebounds, sinagot naman ito ng tandem na sina Booker ng kanilang 31 points at 23 points kay Paul.
Si Booker ay hindi nagpapigil sa kanyang pitong three points na pumasok at meron pang anim na assists.
Si Paul naman as usual sa kanyang all around game ay may tatlong 3-points, 4 rebounds at walong assists.
Malaking suporta rin ang ginawa ng kanilang small forward na si Mikal Bridges na kumamada ng 27 puntos.
Mistula ring come back game ang ginawa ni Jae Crowder sa kanyang performance nang magbuslo ng 11 at umabot sa 10 rebounds. Noong Game 1 kasi ay sumablay lahat ang kanyang walong mga tira.
Pagdating sa three point areas, naipasok ng Suns ang 20 mga tira mula sa ginawa nilang 40 attempts.
Ang lahat ng starting line-up ng Suns ay pawang nagpamalas ng double-double figures.
Sa kampo naman ng Bucks, kailangan ni Giannis ng malaking tulong sa mga teammates dahil inalat ang marami nilang tira.
Lalo na itong si Khris Middleton na lima lamang ang pumasok mula sa 16 na tira sa field goals kaya naman kakarampot na 11 points ang kanyang nagawa.
Si Jrue Holiday ay nag-ambag ng 17 points nang mag-step up sa pagiging agresibo mula sa Game 1.
Habang si Brook Lopez ay medyo mahina rin ang inilaro na nagtapos sa walong puntos lamang.
Sa 3rd quarter matinding laro ang ipinakita ni Antetokounmpo kung saan naipasok niya ang 20 puntos mula sa kabuang 33 points ng Bucks.
Ito na ang pinakamaraming puntos sa single quarter na nagawa niya sa kanyang playoff career.
Aminado rin naman si Bucks head coach Mike Budenholzer na meron silang mga kakulangan.
Tulad na lamang nang sana’y pagiging agresibo sa three point area at dapat pagandahin pa ang kanilang opensa at depensa.
Sa kabila nito, excited na rin silang bumalik sa Milwaukee upang depensahan ang kanilang teritoryo sa next game.
“We’re going home. We’re excited about our crowd,” ani Budenholzer. “We’re excited about being there.”
Ang Game 3 sa Lunes ay mas maaga na alas-8:00 ng umaga na gagawin na sa teritoryo ng Bucks sa Milwaukee.