-- Advertisements --

Tatlong panalo na lamang ang kailangan ng Phoenix Suns upang makatikim ng kauna-unahang korona sa kasaysayan ng kanilang prangkisa sa NBA.

Ito ay makaraang makabuwena mano ng panalo sa Game 1 ng NBA Finals sa best-of-seven series laban sa karibal na Milwaukee Bucks sa score na 118-105.

Ito ay sa kabila na nagbalik na sa Bucks ang two-time MVP na si Giannis Antetokounmpo makalipas ang dalawang games na hindi nakalaro dahil sa injury.

Chris Paul Phoenix Suns
Suns veteran point guard Chris Paul

Muling binitbit ng veteran point guard na si Chris Paul ang Suns nang magpakita ng kanyang all-around game gamit ang 32 points, 9 assists at 4 rebounds.

Ang nakita sa game ay ang vintage Chris Paul na nasa kanyang ika-16th season na nagpasok din ng apat na three pointers.

Sa third quarter lamang dito kumamada ng husto ng 16 points si Paul na lalong nagpainit din sa walang tigil na sigawan at hiyawan ng mga fans.

Huling nagkaroon ng NBA Finals game sa Phoenix ay noon pang panahon ni Michael Jordan ng magkampeon doon ang Chicago Bulls ng kanilang third straight crown at nasungkit nila ito sa Game 6 noong taong 1993.

Lima pang mga players ng Suns ang nagtala ng double figures na malaking tulong sa kanilang opensa.

Kabilang na itong si Devin Booker na walang sablay sa free throw shots at nag-ambag ng 27 points.

Malaki rin ang suporta ng kanilang big man na si Deandre Ayton na may 22 points at 19 rebounds na muling pinatunayan ang kanyang breakout post season performance.

Sa panig ng Milwaukee bagamat nanguna si Giannis sa kanyang 20 points at 17 big rebounds, inalat naman siya sa ilang mga tira lalo sa crucial 4th quarter.

Giannis Khris lopez Milwaukee bucks

Top scorer sa Bucks si Khris Middleton na may 29 points kasama na ang limang three points shots.

Mula sa first quarter ay paghahabol ang ginawa ng Bucks dahil sa tatlong quarter ay abanse sa score ang Suns.

Aminado naman si Bucks coach Mike Budenholzer na napakahirap bantayan ang istilo ng Suns. Pero babawi daw sila sa mga susunod na games.

“Their pick-and-roll game is tough to guard,” ani Budenholzer. “We’ll see how we can maybe take away some of the rhythm.”

Ang Game 2 ay sa Biyernes ng alas-9:00 ng umaga doon pa rin sa Phoenix.