-- Advertisements --

Nasilat ng Phoenix Suns ang defending champion na Toronto Raptors, 117-106, sa kanilang huling scrimmage bago ang season resumption.

Bumida sa Suns si Mikal Bridges na umiskor ng 26 points at limang assists.

Umasiste rin sina Ricky Rubio na tumabo ng 20 points at Cam Johnson na nagdagdag ng 19.

Sinamantala ng Suns ang malamyang depensa ng Raptors, maging ang 28 turnovers ng NBA titleholders.

Sumandal naman ang Toronto kay Pascal Siakam na naglista ng 17 points.

Ang nagbabalik-aksyon namang si Fred VanVleet ay nagrehistro ng 13 markers, habang si Kyle Lowry ay pumoste ng 11 points at pitong assists para sa Raptors.

Sa darating na Sabado (Manila time) makikipagbakbakan ang Suns sa Washington Wizards.

Haharapin naman ng Raptors ang Los Angeles Lakers sa Linggo.