LAOAG CITY – Nagsuntukan ang tatlong kasapi ng konseho sa Lungsod ng Laoag sa harap mismo ng Laoag City Hall pasado alas-7:00 kagabi.
Sinabi ni Police Lt. Col. Amador Quiocho, chief of police sa Lungsod ng Laoag, na base sa pag-review nila sa closed circuit television (CCTV) footage na naka-install sa harap ng Laoag City Hall, unang lumabas si Sangguniang Panlungsod (SP) member Edison Bonoan at dumiretso sa kanyang sasakyan pero lumabas din matapos ang limang minuto at humingi ng upuan.
Dito na rin lumabas sa City Hall sina SP member Edison Chua at pamangkin nito na si SP member Justine Chua, kasama nila sina SP member Jaybee Baquiran at SP member RB Ablan, pawang dumiretso sa kani-kanilang sasakyan.
Ani Quiocho, nakita nila sa CCTV footage na habang nasa loob na ng sasakyan si Konsehal Justine Chua ay lumapit si Konsehal Bonoan at bigla na lamang sinuntok ang una.
Rumesbak ang tiyuhin ni Konsehal Justine na si Konsehal Edison at ang pamangkin ni Konsehal Bonoan na nagresulta na nang kanilang rambolan.
Dahil sa nangyari, nasugatan ang pisngi ni Konsehal Justine habang nabukulan ang mukha ni Konsehal Bonoan na parehong sumailalim ng medico legal ang mga ito sa magkaibang hospital dito sa lungsod ng Laoag.
Paliwanag ni Pol. Lt. Col. Quiocho na bago nagsuntukan ang mga opisyal ay may hindi umano sila pagkakaunawaan sa kanilang sesyon dahil sa pagpasa sa tatlong prangkisa ng tricycle kung saan ang isa ay binawi rin.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng nakababatang Chua kung magsasampa ng reklamo laban sa kapwa niya konsehal na si Bonoan.