-- Advertisements --

All set na sa Linggo, Nobyembre 7 sa Pilipinas ang inaabangan ng mundo ng boxing na super middleweight championship sa pagitan ng Mexican superstar na si Canelo Alvarez (56-1-2, 38 KOs)  at American champion na si Caleb Plant (21-0, 12 KOs).

Ang showdown ng dalawa ay gaganapin sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

Apat na korona ang nakataya sa naturang laban kung saan sinuman ang mananalo ay kikilalaning kauna-unahang undisputed world champion sa dibisyon.

Si Alvarez, 31, kasi ay hawak ang tatlong titulo mula WBA, WBC at WBO crown, habang si Caleb, 29, ay ang IBF super middleweight champion.

Kung maalala si Alvarez din ang kinikilalang pound-for-pound king.

Ngayon pa lamang inaabangan na ng mga boxing analysts at mga fans ang umaatikabong bakbakan ng dalawa lalo na at tiyak daw na mauuwi sa personalan ang basagan ng mukha ng magkaribal na kampeon.

Kung maalala noong buwan ng Setyembre nauwi sa rambulan ang kanilang press conference nang mapikon si Alvarez sa pagmumura sa kanya ni Caleb.

Mariing itinulak ni Alvarez si Plant, gumanti ito ng suntok pero nailagan ng Mexican champion.

Gumanti muli si Alvarez at hinampas niya ng kamay si Caleb.

Sa huli nagtamo si Caleb ng gasgas sa ilalim ng kanyang kanang mata.

Nagbanta naman si Caleb na gagawin niya ang pagganti sa itaas na ng ring sa darating na Linggo.