Inanunsyo ng Rugby World Cup organizers ang pagkansela sa dalawa sanang laban sa darating na weekend dahil sa nakaambang pananalasa ng super typhoon Hagibis.
Kasalukuyang ginaganap ang nasabing world cup sa Japan na magtatagal pa hanggang sa November 2.
Ayon sa tournament director na si Alan Gilpin, mahirap ang kanilang naging desisyon lalo’t inaabangan ang paghaharap ng England laban sa France, gayundin ng New Zealand sa Italy.
“We are continuing to review Sunday’s matches and making every effort to ensure they will be played as scheduled,” saad naman nito para sa faceoff ng Japan at Scotland.
Ang cancelled showdown ng mga apektadong bansa ay idineklara bilang draw o tabla.
Nabatid na sa araw ng Sabado inaasahang magla-landfall sa Tokyo si “Hagibis” na inaasahang magiging isa sa “most violent tropical storm” na tatama sa Japan.
Sa Pilipinas, nilinaw ng PAGASA na hindi direktang dadaan sa landmass ng Pilipinas ang naturang malakas na bagyo.
Gayunman, pinag-iingat pa rin ang mga residente ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao dahil sa epekto ng trough ng typhoon Hagibis. (BBC/CNA)