LEGAZPI CITY – Pahirapan ang magiging pagbangon ng island province ng Catanduanes lalo na’t pinakaapektado ang pangunahing kabuhayan ng mga magsasaka, ang abaca industry.
Sa pananalasa ng Bagyong Rolly, nasa 100% ng mga pananim na abaca ang sinira at nilipad nito kaya mahigit 15,000 magsasaka na umaasa rito ang apektado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay dating Catanduanes Lone District Rep. Cesar Sarmiento, tatagal pa ng hanggang tatlong taon bago muling makapagpatubo ng abaca.
Bukod sa naturang industriya, naiulat din ang pagkasira ng maraming bahay kaya nasa mahigit 15,000 na pamilya ang walang tirahan at nakikipisan sa evacuation centers na nagtamo rin ng pinsala.
Samantala nabatid mula kay Sarmiento na kabilang rin ang bahay nito sa Catanduanes sa mga napinsala ng naturang bagyo.
Patuloy na apela ng mga taga-Catanduanes ang tulong upang muling makabangon ang lalawigan sa matinding hagupit ng Bagyong Rolly.