Handa raw ang Marikina City government na sundin yung payo ng Department of Health (DOH) na ilipat ng ibang gusali ang kanilang laboratory testing facility para sa COVID-19.
Ito’y matapos na hindi aprubahan ng kagawaran ang naturang pasilidad na hindi umano pasado sa ilang standard.
Sa isang panayam nanawagan si Mayor Marcelino Teodoro sa DOH na gawing urgent ang mga tugon para mapakinabangan agad ng karamihan ang kanilang inisyatibo.
Batid daw kasi ng alkalde na mas marami ang hindi kayang magbayad ng mahal na presyo ng test sa mga ospital, kaya kahit sa maliit na hakbang raw ay gusto sana nilang makatulong sa publiko.
Una ng dinepensahan ni Teodoro ang hindi pag-approve ng DOH sa kanilang lab testing facility at iginiit na wala namang hiwalay na building ang RITM sa Muntilupa para sa COVID-19 testing.
Sa virtual presser ng DOH nitong Huwebes ipinaliwanag ni Health Sec. Francisco Duque ang pagiging sensitibo ng prosesong pinagdadaanan ng COVID-19 test.
At sa huling assessment na ginawa ng DOH at WHO sa testing facility ng Marikina, lumabas na hindi pasok sa standard ang itinayong pasilidad.
Pero hindi umano ibig sabihin nito na hindi suportado ng ahensya ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan.
“Hindi naaprubahan ang laboratoryo dahil hindi pumasa sa standards on space and biosafety. Nasa 6th floor ang kanilang laboratoryo kaya iminumungkahi ng DOH na gamitin ang (laboratoryo ng) Amang Rodriguez Memorial Medical Center or mag-set up sa ibang lokasyon.”
“Pwede itong modular o pre-fab infrastructure lamang. Tutulungan sila ng RITM kung paano magpatayo ng isang facility na nakasunod sa guidelines ng biosafety.”
Sa isang mensahe naman, nilinaw ni Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi rin magagamit bilang testing facility ang existing laboratory ng Amang Rodriguez Medical Center dahil maliit ang espasyo nito para sa RT PCR Machines.
Pero sinisikap daw ng DOH na maghanap ng ibang lugar sa loob ng ospital para sa pagseset up ng pasilidad sa testing.
Iginiit din ng Usec. Vergeire na hindi nila inatasan ang Marikina government na magtayo ng panibagong gusali at inirekomenda lang na ilipat sa mas malaking opisina o espasyo ang laboratoryo.
Ayon naman kay Mayor Teodoro target nilang ipakonsulta ngayon sa DOH ang isang gusali ng kanilang superhealth centers para maging COVID-19 testing facility.