Muli na namang nakatikim ng talo sa ikalawang sunod na game ang Brooklyn Nets sa kamay ng Cleveland Cavaliers, 125-113.
Nasayang naman ang 38 points ni Kyrie Irving at ni James Harden na may 19 points.
Hindi nakalaro ang isa pa sa big three na si Kevin Durant dahil sa rehab sa kanyang Achilles injury makaraang umabot sa 50 minutes ang itinagal ng kanyang laro nitong nakalipas na araw na nag-ambag siya ng 38 points sa kanilang pagkatalo sa double overtime.
Sa ikalawang pagkakataon muli na namang bumida si Collin Sexton na may 25 points at nine assists habang si Andre Drummond ay nagdagdag ng 19 points at 16 rebounds.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng Cavs para sa 8-7 record.
Aminado naman si Irving na masaklap ang kanilang pagkatalo lalo na at ikalawang game pa lamang niya ito sa pagbabalik sa Nets (9-8).
Maging si Harden ay inamin na may kakulangan sila sa depensa dahil kung tutuusin wala naman silang problema sa opensa.
Ang next game ng Nets ay host sila sa Miami bukas ng Linggo at susundan ng laro muli sa Martes.
Samantala bibisita naman ang Cavaliers sa Boston sa Lunes.
Sinasabing umabot na sa walong sunod na talo ang natikman ng Cleveland sa Celtics.