Naglabas na ng pahayag ang supervisor ng isang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) na nakunan ng camera habang nilunok ang umano’y ninakaw na pera mula sa isang pasaherong Chinese sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Itinanggi ng OTS Head Supervisor Security Screening Officer (SSO) na si Abraham De Luna na inutusan niya ang mga akusado na babaeng tauhan ng OTS na lunukin ang tila nakatupi na mga pera na nagkakahalaga ng $300.
Ang pahayag ni De Luna ay sumasalungat sa isang ulat mula sa awtoridad ng paliparan na siya ay nagpakita sa pakikipagsabwatan sa babae at isa pang OTS personnel at isang x-ray operator ukol sa pagtatago ng mga dollar bill na nawawala sa wallet ng isang papaalis na pasaherong Chinese na sa NAIA Terminal 1 noong Setyembre 8.
Ayon sa ulat, nakita si De Luna sa isang closed-circuit television (CCTV) footage habang nagbibigay ng isang bote ng tubig sa mga babaeng tauhan ng OTS.
Ngunit iginiit ni De Luna na wala siyang kinalaman sa insidente dahil abala siya sa kanyang trabaho.
Kinumpirma ni OTS Administrator Maria O Aplasca na natanggap ng kanyang tanggapan ang counter-affidavit ng mga akusado na naunang nagsabing tsokolate at hindi dollar bills ang kanyang nilulunok nang mahuhuli siya sa CCTV.
Una na rito, inatasan na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista si Undersecretary for Legal Atty. Reinier Yebra na tumulong sa pagsasampa ng mga reklamo laban sa mga kasabwat sa umano’y pagnanakaw ng pera sa hand carry bag ng pasahero.