Mas hihigpitan pa ngayon ng Philippine National Police – Drug Enforcement Agency (PDEG) ang kanilang pagmamanman kontra ilegal na droga.
Ayon kay PNP-DEG Chief PBGen. Eleazar Matta sa pulong balitaan kanina sa kampo crame, napapansin umano nila na tuwing kapaskuhan at nalalapit ang eleksyon ay tumataas ang suplay at demand sa mga ilegal na droga.
Batay umano sa kanilang impormante, may mga papasok pang ilegal na droga sa bansa at posible itong magamit ng ilang politiko para pondohan ang kanilang kampanya sa halalan.
Ibinunyag niya na may minamanmanan na ngayon silang ilang ma local executives sa mga probinsya na sangkot sa distribution ng shabu sa kanilang munisipalidad.
Bagamat hindi na ito nagbigay pa ng karagdagang detalye, ani Matta, may listahan na ang PDEG sa mga politiko o mga alkalde na sangkot dito.