-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi magkukulang suplay ng baboy o karne ng baboy sa bansa base na rin sa abiso ng National Hog Raisers Association.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na 10 hanggang 15 porsyento umano ang isinobra ng produksyon ng mga hog raisers sa bansa kung kaya’t walang problema sa suplay ng baboy na gagamitin ngayong Kapaskuhan at holiday season.

Kaugnay nito, inaasahan ni Dar na hindi umano gagalaw ang presyo ng baboy sa mga pamilihan.

Ang sobrang suplay ng baboy ay sa gitna ng sinabi ng kagawaran nitong nakaraan na aabot na sa halos PHP 4 – bilyon ang lugi ng mga magbababoy sa bansa dahil sa African Swine Fever na unti-unti nang nawawala at nakokontrol lalo na sa mga lugar kung saan ito unang lumaganap.