Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na suplay ng bigas sa bansa hanggang sa susunod na taong 2023.
Inilabas ng kagawaran ang pahayag sa harap ng agam-agam ng ilang grupo ng magsasaka na baka kapusin ang suplay nito sa susunod na taon.
Ayon sa ahensiya, bagamat bumaba ang produksyon ng palay ngayong taon, inaasahan namang makababawi ito sa 2023 dahil na rin sa malaking pondong inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Katunayan, nasa higit 40% aniya ang inaasahang madaragdag sa budget ng DA sa 2023 kung saan malaking pondo rin ang ilalaan para matulungan ang mga magsasaka kasama na ang dagdag na fertilizer fund.
Sinabi rin ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na posibleng maghihinay-hinay pa ang bansa sa pag-iimport ng bigas para sa first quarter ng 2023 dahil sa sapat naman ang suplay ng bigas at inaasahang pagpasok ng anihan.