Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr sa publiko na sapat ang suplay ng bigas sa bansa kahit na bawasan na umano ng bansa ang importasyon ng produkto.
Sa kanyang surprise inspection sa bodega ng National Food Authority (NFA) sa Valenzuela City, sinabi ni Marcos na sapat pa ang stock ng bigas ng ahensya hanggang sa puntong ang ilan ay maaaring ibenta sa mga stall ng “Kadiwa” sa halagang P25 kada kilo.
Nauna nang nangako ang Pangulo na ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo sa panahon ng kanyang kampanya sa halalan.
Samantala, nanatiling limitado ang P25 kada kilo ng bigas na ibinebenta sa mga Kadiwa outlet.
Ngunit sinabi ng Pangulo na maaaring ipagpatuloy ng gobyerno ang pagbebenta ng bigas sa pamamagitan ng Kadiwa stalls dahil sapat na ang stock.
Tiniyak ng Marcos administration na binabantayan din ang produksyon ng bigas ngayong nabawasan na ng bansa ang dami ng inaangkat na bigas.
Magugunitang base sa rice monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa Metro Manila, ang local commercial rice ay nabibili sa pagitan ng P38.00 hanggang P50.00 kada kilo;
Special (blue tag) – P50
Premium (yellow tag) – P45
Well-milled (white tag) – P42
Regular-milled (white tag) – P38
Samantala, ang presyo naman ng imported commercial rice ay nasa:
Special (blue tag) – P50
Premium (yellow tag) – P45
Well-milled (white tag) – P40
Regular-milled (white tag) – P38