-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) Bicol na malaking “challenge” sa pagtupad sa kanilang mandato ang umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay DTI-Bicol information officer Jocelyn Berango sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naka-work from home scheme ang ahensya habang may kumikilos na skeletal force.

Sa buhos naman ng mga produkto, nagpapasalamat ang opisyal sa pagkilos ng mga local chief executives upang hindi nagkaroon ng kakulangan sa suplay.

Subalit inamin ni Berango na posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay dahil pahirapan ang pagpasok ng mga cargoes at iba pang deliveries na nahaharang sa checkpoint.

Nakiusap naman ang opisyal na magawan ng paraan ang mabilis na paglusot sa mga checkpoints ng mga ito lalo na ang pangunahing pangangailangan ng publiko.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga manufacturers na maging regular ang produksyon sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.