-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Hindi nakaligtas ang bayan sa sakit ng mga baboy na nagapektuhan sa local swine industry ng Kabacan Cotabato.

Sa nalalapit na holiday season, personal na inalam ni Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman ang estado ng pagbababoy sa bayan ng Kabacan kung kaya ba ng bayan na suportahan at aksyonan ang demand ng publiko sa karneng baboy.

Matatandaang noong Agosto 25, 2022, sa pamamagitan ng Department of Agriculture XII at National Livestock Program ay nabahaginan ang 19 na magbababoy mula sa mga barangay ng ng mga Barangay ng Cuyapon, Lower at Upper Paatan, Malamote, Katidtuan, Dagupan, Malanduague, Bannawag, at Bangilan abot sa 45 na mga sentinel pigs o experimental pigs ang kanilang mga tinanggap.

Sa pagtanggap ng mga baboy na ito, muling pinaalalahanan ni Mayor Gelyn ang publiko na hindi ibig sabihin nito ay maaari ng mag-alaga ang mga Kabakeño ng baboy. Tanging ang mga nakapasa sa inilabas na Biosecurity Level I Checklist ang nabigyan ng sentinel pigs.

Makalipas ang higit dalawang buwan, nakatanggap ng ulat ang tanggapan na ang ilan sa mga baboy na kinonsiderang sentinel o experiemental ay namatay indikasyon na mayroon paring african swine fever sa mga ito. Dalawang barangay ang nagpositibo habang ang ibang barangay tulad ng Lower at Upper Paatan, Malamote, at Katidtuan ay inaantay ang resulta ng pagsusuri habang ang mga Brgy. ng Dagupan, Bannawag, at Bangilan ay nagnegatibo na sa naturang sakit.

Siniguro naman ng tanggapan ng pagsasaka na kung magnegatibo na ang lahat ng sentinel pigs sa bayan ay maaari ng makapag-apply ang bayan mula sa RED Zone (Infected ZONE) patungong PINK Zone hanggang sa muling maging GREEN Zone (ASF Free ZONE) ang bayan.

Samantala, aminado si Mayor Gelyn na hindi lamang bayan ng Kabacan ang nahihirapan sa supply ng baboy sa pamilihang bayan bagkus ganoon din ang mga karatig na bayan sa lalawigan sa kadahilanan ng nasabing sakit.

Aminado din ang alkalde na tataas ang presyuhan ng karneng baboy at live weight hogs dahil na rin sa supply and demand nito.

Dahil rito, patuloy parin ang paghihikayat ng alkalde sa publiko na magtulungan upang mapabilis ang pag-aapply ng bayan na manumbalik ang GREEN Zone o ASF FREE KABACAN.

Tiniyak din nito na nakahanda ang lokal na pamahalaan ng Kabacan na tumulong sa mga magbababoy na nabigyan ng sentinel pigs at nais makapag-alaga na maturuan ng tamang proseso at isagawa ang biosecurity protocol.

Sa ngayon, bagamat apektado ang bayan sa pagtaas ng presyo ng karneng baboy, naniniwala parin ang alkalde na kung magtutulungan ang bawat isa ay tiyak na mapagtatagumpayan ng bayan ang hamon ng African Swine Fever.